Hopes at Hopia

Unilateral Contract, Carey Young, 2008

“Labis-labis na ang mga sulatin at pag-uusap ukol sa bisa ng pag-asa. Lagi’t lagi nang Paraiso ang mga utopia para sa mga iskeptiko. Ngunit di lamang ang may pagdududa kundi pati ang may marubdob na mga paniniwala—silang madalas matagpuan sa mga Misa at Komunyon na nakatingala sa langit—ang humihiling sa mahabaging kamay ng Diyos na limliman ang kanilang mga ulo, pangalagaan sila mula sa ulan at init, at ihatid sa kanilang buhay ngayon kahit kapiraso ng pangakong buhay na laan sa kanilang pagyao. Ito ang dahilan kung bakit silang hindi kuntento sa buhay, sila na napagkakaitan sanhi ng di-pantay na hatian ng yaman ng planeta, lalo na ang yamang materyal, ay kumakapit sa pag-asa na hindi laging demonyo ang naghihintay sa labas ng bahay, na darating ang araw, na nalalapit na ang araw ng pagpasok ng biyaya sa kanilang mga buhay. Para sa taong nawala na ang lahat liban sa lungkot ng patuloy na pag-iral, kanya ang karapatang umasa na ang bukas ay hindi kasingmiserable ng ngayon. Iyan ay kung mayroon ngang hustisya sa mundo. Kung mayroon pa man sa panahong ito na karapat-dapat sa ngalan ng hustisya, hindi ang pantasya ng tradisyong lumilinlang sa ating mata at isip kundi ang reyalidad na mapanghahawakan ng atin mismong mga kamay, tiyak hindi na natin kakailanganing bitbitin ang pag-asa sa araw-araw, ang kalingain ito, o mamuhay na kinakalinga nito. Mailalagay sa kanilang tamang lugar ang bawat bagay dahil sa simpleng hustisya (ang likas na pagrespeto sa kapwa bilang saligan ng relasyon ng tao sa tao, hindi ang hustisya ng korte). Noon, ang isang mahirap ay pagkakaitan ng limos sa pamamagitan ng mga hipokritong salitang “Konting tiis.” Hindi nalalayo ang ganitong payo ng pagtitiis sa payong nagbibigay ng pag-asa. Karaniwang maririnig sa mga halal nating politiko na ang kawalan ng pasensya ay kontrarebolusyonaryo. Posible ito, ngunit mas naniniwala ako na kay raming rebolusyon ang nasayang dahil sa kalabisan ng pasensya. Wala akong problema sa pag-asa, ngunit mas mahalaga sa akin ang kakulangan ng pasensya. Panahon na para ating madama ang matinding pagkainip, upang turuan kahit paano silang sinanay tayong mamuhay sa pag-asa. O sa mga panaginip ng utopia.” (Jose Saramago, 30 September 2008, salin)

Posted in Angas | Tagged , | 1 Puna

F for effort

Hindi ko alam kung anong kulam, sumpa, o sakit ang dumapo sa akin at napagtripan kong gawin ito. Dalawang araw tuloy ang ginugol sa paggawa ng resume na hindi rin pala magagamit dahil ang online recruitment system ng inaaplayan ay hindi tumatanggap ng extrang PDF document. For that, go Katy Perry, go China Crisis. Meantime mag-wishful thinking dito.

Posted in Mahabaging Dios | Tagged , | Mga Puna

Taralets

I-click ang litrato para sa mga ilulunsad na libro mula sa High Chair, Ateneo University Press, at Youth & Beauty Brigade sa Mayo 24.

Posted in Events | Tagged , , | Mag-iwan ng puna

Kung Saan Ako Nakatira


View Larger Map

Ikalawang sem ng unang taon ko sa kolehiyo nang una akong bumukod sa pamilya. Sabi ko sa nanay ko, gusto kong matutong mamuhay nang mag-isa. Di siya nag-atubiling pumayag sa kondisyong uuwi pa rin ako sa bahay tuwing Sabado at Linggo. Di uso sa amin ang mahahaba’t madadramang usapan.

Sa Tandang Sora ako tumira. Malapit sa unibersidad pero mas matagal ang byahe kumpara sa bahay sa Manila. Kapag tinatanong kung saan ako nakatira, sinasabi ko sa sementeryo dahil malapit kami sa Himlayan.

Malaki itong bagong bahay—may dalawang palapag, walong kuwarto, maluwag ang sala at kusina, at may single court sa mapunong bakuran. Dinisenyo ito para sa malaking pamilya ng may-ari na ang asawa ay nagtatrabaho sa Belgium.

Ngunit kapos pa ang mag-asawa para matapos ang bahay. Hindi pa napapaletada ang karamihan ng pader. Walang kulay liban sa granate at pulang tiles ng bubong. May mga bintanang walang bintana. Hubad pa lahat ng kisame. Nakabuyangyang saan-saan tumatakbo ang tubo ng tubig at tae. Plastic cover ang nakatrapal sa di-tapos na closet. Sa bakuran, makikita ang pangarap nilang jacuzzi. Kaya si misis at mga anak niyang lalake ay pansamantalang natutulog sa dalawang kwarto habang ang natitira ang siyang tinitirhan namin.

Mahigit 20 kaming estranghero na nakatira sa boarding house. Apat kami sa kwarto ng mga kabarkada noong hayskul. Walang bawal liban sa paglabas ng bahay pagtuntong ng alas-12 ng hatinggabi. Sabi ng landlady, para raw ito sa aming seguridad liban pa sa ang dapat daw naming inaatupag ay ang aming pag-aaral. Sa kwarto, kapag gabi, mga sugal sa baraha, gin, at porn magazine ang aming masusing pinag-aaralan. Parang walang katapusang hayskul ang semestreng iyon at ang semestre ng sumunod na taon. Nagbago lang ang takbo ng buhay-estudyante ko noong marekrut na aktibista.

Buong summer ng ikalawang taon sa kolehiyo, wala ako sa bahay na ito. Wala rin ako sa bahay sa Manila. Kung kani-kaninong bahay ako nakikitira sa malalayong bayan ng Quezon.

Pagbalik ko sa Manila, dumiretso ako sa Himlayan. Naroroon na rin ang tatlong kabarkada. Habang nagliligpit ng gamit, hinablot ng dalawa ang mga braso ko. Kinaladkad ako, pinaupo, at iginapos ang mga paa’t kamay. Pinatay ang ilaw. Orgy na ba ito, tanong ko sa sarili. Maya-maya bumulaga ang liwanag ng flashlight sa mukha ko.

—Saan ka galing?

—Mga ungas, kalagan nyo ako.

—Wag kang magsisinungaling. NPA ka na ‘no?

—Ang NPA nasa bundok.

Pinitik ni Elmer ang isa kong tenga. Kinurot naman ni Jerry ang dalawa kong utong. Punyeta. Masakit.

—Hinanap ka sa amin ng nanay mo. Sabi mo, nagbakasyon ka sa amin sa Candelaria.

—Dumaan lang ako dun.

—Tignan mo. Itigil mo na yan.

Pinitik ni Jerry ang isang utong ko.

—Alam na ng buong batch pinaggagawa mo. Tinawagan silang lahat ng nanay mo. Hinahanap ka. Itigil mo na yan.

Sa dami ng pitik at kurot na inabot ko, muntik na kong maihi. Ang mga gago, hindi nila alam pinagdaanan ko para lang makauwi ng bahay.

Posted in Fiction | Tagged | Mag-iwan ng puna